Lubhang naging mabait ang tadhana. Pagkatapos ng dalawang araw na walang tulog sa pag-direct at pag-edit ng isang AV project noong Miyerkules hanggang Biyernes, nabiyayaan akong magkaroon ng pagkakataong makadalo sa induction climb ng Batch 13 ng MFPI BMC class for individual members noong Sabado hanggang Linggo. Bagamat kulang sa tulog at gahol sa oras sa pagbili ng supplies sa huling sandali (salamat nang marami kay Mr. Oca of Expedition Plus), nandoon ako bago mag-alas singko ng umaga sa tagpuan, ang 7/11 sa may Shaw Boulevard.
Masaya ang grupo kahit na dalawang oras kaming naghintay bago lumakad papuntang Mabitac, ang jump-off point papuntang Sembrano. Ang aming ruta ay patawid ng Sembrano papuntang pililia kaya tinawag na Sembrano Traverse. Maghapon ang lakaran, mula 9.30 ng umaga, inabot kami ng halos 6 ng gabi dahil dalawa sa aming kasamahan ay nagka-cramps. Bilang sweeper ng Grupo Tres kasama si Dennis, di namin puwedeng iwan ang dalawang dalagang nasa hulihan ng trek. Maraming lugar sa gubat na malamok, matubig at maputik ngunit pasalamat na rin sa magandang panahon, hindi siya umulan at hindi rin naging mainit.
Pagod mang nakaabot sa campsite at kinailangang manghiram ng mga gamit (hindi nakarating ang aming team leader dahil sa injury), masaya ang aming naging hapunan - adobong manok. pagkatapos, nagsalo-salo ang lahat sa tagay-tagay na pinangunahan ni Pareng Erwin at ang inyong abang lingkod, hehehe.
Di man ako nakatulog nang husto, maganda ang aking pagkagising. matapos ang paghigop ng mainit na Milo at hazelnut coffee (salamat kay Babette at Erwin), sumige kaming makapanhik sa summit. Masukal ang trail at may mga nag-camp sa summit pero welcome pa rin kami doon. kitang-kita ang Talim island, ang mga palaisdaan ng Laguna de Bay at higit sa lahat, ang aming dinaanang ruta mula sa Mabitac.
Mas matarik ngunit mas maikli ang rutang pababa ng Pililia. Nagumpisa kaming bumaba ng 9.30 at nakababa kami ng manggahan ng bago magtanghalian. Napakasarap ng tubig pagkatapos ng mahaba-habang lakaran! Kaunting oras pa lamang ay nasa paliguan na ang grupo upang makaligo at makapagtanghalian bago tumulak pauwi.
Masaya itong Batch 13. May kutob akong mauulit itong kasiyahang ito sa malapit na hinaharap. Salamat kay Chairman Mar, Mike (Sierra) at Mike 2 sa magandang karanasang ito. (larawang kuha sa may grassland ng Sembrano)